Kalusugan, abot kaya ba sa ating bansa?

Posted on Posted in Veritas Editorial

Mahal magkasakit.

Ito ang hinaing ng maraming Pilipino, kaya nga’t minsan, nagiging medyo OA na tayo sa pag-iingat.  Totoo nga bang mahal magkasakit sa Pilipinas?

Kapanalig, ayon  nga sa opisyal na datos, noong 2013, gumastos ng P296.5 billion ang mga Pilipino para sa out-of-pocket health expenses. Ito ay 56.3 percent ng kabuuang total health expenditure noong 2013, na umabot sa P526.3 billion. Maliban pa dito, ang per capita o kada tao na health expense ay umaabot ng P5,360 noong 2012. Ibig sabihin ng lahat ng ito, kapanalig, mahal nga magkasakit sa bansa.

Pagpasok mo pa lamang ng clinic o hospital, bayad kaagad ang hanap sa iyo at hindi paunang lunas ang maari mong matanggap. At kahit mahal na nga ang bayad, minsan kailangan mo pa rin maghintay na magkaroon ng espasyo, kahit pa sa private hospitals, at kahit pa nagbayad ka na ng deposito. Makatarungan ba ito, kapanalig?

Ang kalusugan ay batayang karapatan ng bawat nilalang. Ayon nga sa United Nations, bilang tao, ang kalusugan natin at lahat ng ating mahal sa buhay ay pang-araw araw nating pangangailangan. Kahit ano pa ang ating lahi, kulay, kasarian, o edad, ang kalusugan ay ating batayan at pangunahing “aasset” o kayamanan. Kung wala nito, mahirap makamit ang iba pa nating karapatan.  Ang karapatan natin sa kalusugan ay kaugnay ng ating dignidad bilang tao.

Kaya nga kapanalig, napakalaking balakid ng kamahalan ng pag-access sa mga serbisyong pangkalusugan, Kahit pa libre itong makukuha sa mga health facilities ng bayan, may gastos pa rin para sa mga yaong nakatira sa mga napakalayo o remote na lokasyon. At mahal pa rin ang gamot. Kahit pa libre ang konsultasyon, ang presyo ng mga gamot sa Pilipinas ay sinasabing isa sa pinakamahal sa Asya.

May pagbabago na ba sa aspetong ito ng ating lipunan? O lumaki lamang ang gastos natin sa pangkalusugan dahil maraming mga maralita ang namatay o naospital dahil sa isyu ng droga?

Kapanalig, bigyan nawa ng pansin ng pamahalaan ang isyu ng access to health. Ikumpara naman natin ang atensyong binibigay ng pamahalaan sa iba pang mas urgent na isyu ng bayan, gaya ng kalusugan. Ang budget ba sa kalusugan ay mas malaking ba ang hati sa pambansang budget? Ang sector ba na ito ay may angkop na suporta mula sa pamhalaan?

Ayon nga sa Panlipunan turo ng Simbahan, partikular na sa Evangelium Vitae, ang kalusugan ay dapat lamang kasama lagi sa anumang usapang may kaugnayan sa “politics of human dignity.”  Ayon sa dokumentong ito, napakahalaga na siguruhin ng ating mga pinuno na lahat ng indibidwal ay may maayos na trabaho, at access hindi lamang sa edukasyon, kundi sa kalusugan.

 

Sharing is caring
  •  
  •  
  •  
  •  
  •