Hindi iba sa atin ang mga kapatid nating Muslim

Posted on Posted in Veritas Editorial

Mga Kapanalig, may mungkahi ang mga kapulisan at militar sa Gitnang Luzon na magpatupad ng isang ID system para sa mga Muslim na tutungo o maninirahan sa mga probinsyang sakop ng rehiyong iyon. Mapipigilan umano nito ang sinumang may kaugnayan sa Islamic State o anumang radikal na grupo na gumawa ng masama. Sa katunayan, ipinatutupad na ito sa bayan ng Paniqui sa Tarlac, at ipinagmalaki ng isang regional director ng Philippine National Police na positibo ang resulta ng nasabing sistema.

Mariing tinutulan ng Commission on Human Rights o CHR ang nasabing hakbang. Paliwanag ng komisyon, isang porma ng diskriminasyon ang isang ID system na nakatuon sa isang grupo o sektor lamang. Inihihiwalay daw ng ganitong sistema ang mga Muslim mula sa kabuuan ng lipunan batay sa kanilang relihiyon. Ayon naman sa grupong Human Rights Watch, nilalabag ng pagkakaroon ng hiwalay na ID para sa mga Muslim ang kanilang karapatan gaya ng karapatan sa pantay na pangangalaga sa ilalim ng batas (o equal protection of the law) at kalayaang kumilos at lumipat sa isang lugar (o freedom of movement).

Isang mambabatas rin ang tutol sa mungkahing ID system para sa mga Muslim, kahit pa man limitado ito sa isang rehiyon. Sa halip na ID para sa mga Muslim, ang kinakailangan daw ay national ID system para sa lahat, hindi lamang upang makamit ang mga serbisyo ng pamahalaan ngunit upang maging mabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang apektado ng matitinding krisis katulad ng nagaganap ngayon sa Marawi. Kung maisasabatas ang mga panukalang ito, magkaroon ng isang ID na lamang sa bawat Pilipino, gaya ng ipinatutupad sa maraming bansa. Bagamat iniiwasan ng national ID system ang diskriminasyon, kailangan pa rin itong pag-aralang mabuti upang maproteksyunan ang ating mga personal na impormasyon.

May mga natanggap tayong kuwento mula sa Marawi na noong mga unang araw ng malawakang paglikas, hirap ang mga kinauukulan na i-profile ang mga inilalabas mula sa lungsod patungo sa mas ligtas na mga bayan dahil marami sa mga taga-roon ang walang maipakitang ID o anumang dokumentong magpapatunay na sila ay taga-Marawi. Sa kasong ito, makikita natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ligal na pagkakakilanlan. Subalit, kung ang layunin ng pagkakaroon ng ID ay upang “markahan” ang mga mamamayan batay sa kanilang relihiyon, inihihiwalay natin sila; sa Ingles, tinatawag itong “othering.” At hindi kailanman mainam na may mga taong ginagawa nating “iba” sa mas nakararami dahil dito nagmumula ang diskriminasyon at hindi makatarungang pagturing sa ating kapwa.

Sa isang pahayag noong nakaraang linggo, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na sa kabila ng mga nangyayaring kaguluhan gaya sa Marawi, huwag nating kailanman isiping ang pagkakawatak-watak at pagkakahati-hati natin bilang isang bayan ay plano ng ating Panginoon. Ang mga ito ay bunga ng kasalanan. Ano ang kasalanan nating mga hindi taga-Marawi sa dinaranas ng mga kapatid nating Maranaw? Ito po, mga Kapanalig, ay nagkaugat sa napakahabang panahon ng pagsasantabi natin sa kanila, sa paglimot sa kanilang kapakanan, sa pagturing natin sa kanilan bilang “iba” sa mas nakararaming Pilipino. Kaya’t paalala ni Archbishop Soc, huwag tayong mahulog sa bitag ng kawalang pakialam sa dinaranas ng ating kapwa, katulad ng mga kababayan nating naiipit sa gulo sa Marawi. Huwag nating hayaang magpatuloy ang diskriminasyon sa mga kapatid nating Muslim sa pamamagitan ng pagpapatuad ng isang ID system na layuning bantayan ang bawat kilos nila.

Mga Kapanalig, hindi ang pagkakaroon ng isang pirasong papel ang magpapatunay na ang mga Muslim ay bahagi ng ating lipunan. Sa paparamdam natin na hindi sila iba sa atin, bumubuo tayo ng tulay na makapag-uugnay na atin sa halip na pader na nagtataboy sa ating kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.

Sharing is caring
  •  
  •  
  •  
  •  
  •