Disaster Risk Reduction and Management

Posted on Posted in blog-anton

Paka-isipin kapanalig: ang ating bansa ay nasa typhoon belt at Pacific Ring of fire. Ibig sabihin nito, karaniwang 20 hanggang 22 na bagyo ang dadaraan sa ating bansa kada taon. Kung base sa ating karanasan, karaniwang lima sa mga bagyong ito ay mapanira o destructive. At dahil tayo ay nasa Pacific Ring of Fire, ang mga lindol at pagsabog ng bulkan ay karaniwang ding nangyayari. Sa ngayon, 23 active volcanoes ang regular na mino-monitor ng PHIVOCS. Kaya nga sa isang bansa gaya ng Pilipinas, ang disaster risk reduction and management (DRRM) ay napakahalaga.
Ayon sa UN Office for Disaster Risk Reduction o UNISDR, ang DRRM ay naglalayong bawasan o paliitin ang pinsala na dala ng mga natural na sakuna gaya ng lindol, baha, tagtuyot, at bagyo sa pamamagitan ng pagpapalawig ng etika/ethics ng prebensyon. Oo, kapanalig, hindi lamang rescue and relief, kundi PREBENSYON.

Kapanalig, ang prebensyon ng disaster ay depende sa ating mga “choices” o pagpili. Halimbawa, kapag alam mo na aktibo ang isang bulkan, hindi tayo dapat tumira at maghanapbuhay sa mga danger zones nito. Kahit pa may mga senyales na malapit na pagsabog ng bulkan at inaakala natin na may panahon pa tayong tumakbo, lumalaki lalo ang risk ng pinsala; sa halip na walang disaster na mangyayari, nagkakaroon tuloy dahil hindi natin inaayon ang ating mga choices o pagpili sa natural na kalagayan ng ating kapaligiran. Halimbawa ay ang Mayon Volcano kapanalig. Ito ay may 6-kilometer permanent danger zone. Sa lugar na ito, maaring magkaroon ng mga pagsabog na mahirap i-predict o iforecast, pero dinadayo pa rin ito lagi ng mga turista at lokal na mamamayan.

Isa pang halimbawa, kapanalig, ay ang landslide. Maraming lugar sa ating bansa ay prone sa landslide dahil maulan sa ating bayan. Hindi na ito bago, ngunit lalo itong nagiging mas maigting dahil sa kawalan ng puno, mas mabilis na urbanisasyon, at paglawak ng mga residential areas na umaabot na sa mga lugar na maaring gumuho. Kung maalala niyo ang mudslide sa Guinsagon, Leyte noong 2006, kapanalig, kung saan 1.2 billion cubic meters ng putik at bato ang gumuho at tumapal sa 300 hektarya land area. 1,500 tao ang namatay ngunit pagkatapos ng sakuna, marami pa rin ang bumalik sa lugar na iyon upang manirahan ulit, kahit pa may risk pa rin ng pag-guho ng lupa.
Kapanalig, ang prebensyon ng disasters ay hindi lamang nakasalalay sa lokal at nasyonal na gobyerno. Ito rin ay nakasalalay sa atin. Ilang beses na ba nating narinig sa mga barangay na hirap sila mag-evacuate ng tao dahil ayaw nila mismo sumunod kahit na naka-ambang na ang disgrasya?

Ang prebensyon kapanalig ay isa ring mensahe ng pag-ibig. Ikalat natin ito. Ang prebensyon ay isa ring responsibilidad. Ito ay nagsasalba ng ating kapwa. Ang Caritas in Veritate ay may hamon ukol sa duties o obligasyon, at ng kaugnayan nito sa ating buhay at pakikipag-kapwa: “Many people today would claim that they owe nothing to anyone, except to themselves. They are concerned only with their rights, and they often have great difficulty in taking responsibility for their own and other people’s integral development. Hence it is important to call for a renewed reflection on how rights presuppose duties.”

Sharing is caring
  •  
  •  
  •  
  •  
  •