Church News


Batas para gawing special economic zone ang irrigated land sa
Casiguran, dapat pag-aralan muling mabuti

July 14, 2010 - Wednesday

 
Nananawagan ang Simbahang Katolika sa pamahalaan na pag-aralang mabuti ang batas na naglalayong gawing special economic zone ang mahigit 12,400 ektaryang irrigated land sa Casiguran, Aurora.

Ayon kay Fr. Joafran Talaban, parish priest ng Nuestra Senora del Salvacion, Brgy. Biano-an, maraming mga magsasaka, mangingisda at katutubo ang maapektuhan ng proyekto.

“Hindi ito dumaan sa konsultasyon kaya nananawagan kami na pag-aralang mabuti ang proyekto ng Aquino Administration bago pa mahuli ang lahat,” pahayag ni Fr. Talaban sa panayam ng Radyo Veritas.

Kaugnay nito, patuloy na ipaglalaban ni Fr. Joafran Talaban ang karapatan ng mga magsasaka doon.

Ito aniya ay kahit malagay muli sa panganib ang kanyang buhay na una ng pinagbabaril ng mga hindi kilalang salarin dahil sa pagtulong sa mahihirap.

Naniniwala ang nasabing pari na ngayon mas kailangan ng mga magsasaka sa Casiguran ang tulong ng Simbahang Katolika dahil sa planong conversion ng 12,400 ektaryang irrigated lands sa special economic zone.