|
Cha-cha, hindi garantiya na mawawala ang korupsyon sa bansa
19 July 2010 – Monday
Ang integridad ng isang pinuno sa pamamamahala ang mahalaga sa halip na pagpapalit ng porma ng gobyerno.
Ito ang pananaw ni Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz kaugnay na rin sa isyu ng charter change na isa sa layunin ay palitan ang porma ng gobyerno.
Sinabi ng arsobispo, kahit mag-iba ang porma ng gobyerno mananatili pa rin ang korupsyon kung ang pinuno ang may problema.
“E kung ang graft and corruption nandyan din, palitan man ang gobyerno ng sampung beses e wala din, e kasi more than in the form of government it is the people running the government that counts… their integrity, competence and character”, ang pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Una ng nagsumite ng resolusyon si dating Pangulong Gloria Arroyo na kasalukuyang kongresista ng Pampanga para isabay ang pagtatalaga ng mga delegado na bubuo sa Constitutional Convention sa halalan ng Barangay Chairman at Sangguniang Kabataan sa Oktubre.

|