Veritas Balita


Charter Change sa pamamagitan ng Con-Con,
malabong suportahan ng publiko

12 July 2010 – Monday

 
Pinag-aaralan pa ring mabuti ng iba’t-ibang grupo kung ano ang motibo sa pagsusulong ng charter change.

Reaksyon ito ni Fr. Joe Dizon, convenor ng Solidarity Philippines bunsod sa isinumiteng resolusyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ngayo’y kongresista ng Pampanga.

Duda pa rin ang grupo na may personal na interes si Arroyo sa Cha-Cha dahil posibleng nais pa rin niyang  manatili sa kapangyarihan.

“Ang kwestyon kasi ng cha-cha sa atin ay kung sino ang nagpapanukala at bakit pinapanukala, at duon nagkakaroon ng debate kung dapat ba yang suportahan o hindi”, ang bahagi ng pahayag ni Fr. Dizon sa panayam ng Radyo Veritas.

Naniniwala din si Fr. Dizon na hindi napapanahon ang Cha-Cha, lalo na at nagsisimula pa lamang ang bagong administrasyon.

Giit ng pari, marami pang dapat na pagtuunan ng pansin ang gobyerno sa halip na pag-amyenda sa Saligang Batas.