Veritas Balita


Rally sa kalsada, dapat gamiting pamantayan ng gobyerno

14 July 2010 - Wednesday

 
Dapat gamiting salamin ng Administrasyong Aquino ang sigaw ng taong bayan sa mga kalsada.

Ayon kay Solidarity Philippines Convenor Fr. Joe Dizon, ito ang tamang paraan ng mamamayan na iparating sa gobyerno ang tunay na sitwasyon.

Paliwanag ni Fr. Dizon, hindi dapat hangarin ng sinuman na mawala ang mga protesta sa kalye dahil ito ang isa sukatan ng kalayaan sa bansa.

“Hindi siya dapat mawala, kahit na magkaroon ka ng tunay na gobyerno na kakatawan sa kagustuhan ng mamamayan, kasi sa kalsada naipapahayag ng mamamayan ang tunay na hinaing at kalagayan. Dapat ang gobyerno hindi dapat katakutan ang mga pagkilos sa kalsada”, ang bahagi ng pahayag ni Fr. Dizon.

Kaugnay nito, magsasagawa ng pagkilos ang ilang progresibong grupo para naman ilatag ang people’s agenda  sa kauna-unahang State of the Nation Address ng Pangulong Aquino.